Friday, April 2, 2010

Kwento sa likod ng Dokyumentaryong Kwento ng Pinagmulan


Naging isang makabuluhang proyekto para sa akin ang dokyumentaryong Kwento ng Pinagmulan. Dito ko mas naunawaan ang mga bagay tungkol sa aking mga ninuno. Dati na akong nakapunta sa Ifugao, ngunit ito ang mga panahon na kung saa’y hindi pa buo ang aking isipan sa aking kabataan.

Bago pa man kami umalis ay maiigi naming pinlano ang mga bagay. Kami’y nangalap ng madaming impormasyon tungkol sa Ifugao at totoo ang aking napag-obserbahang ang mga tao rito’y sobrang mahiyain at sensitibo kung minsan. Ngunit hindi nalalayo sa kanila ang imahe ng pagkamasayahin at napakalaking importansiya sa kanila ang pamilya pati na rin ang pagkakakilanlan ng bawat isa sa baryo. Hindi pupwedeng ang isa sa kanila’y hindi nakakakilala sa bawa’t taong nakatira sa karatig na bayan.

Naging parte na rin ng kulturang Ifugao na ang bawat taong madadaanan ay parehas na dapat bumati sa bawat isa, kahit sa pag-ngiti man lamang. Kung hindi man, ay iisipin nilang dayo mula sa malayong lugar ang kanilang nakita. Nakakapagtaka na minsang ako’y lumabas ng bahay ng aking Lola ay sarado na ang lahat ng tindahan kahit wala pang alas-siyete ng gabi!

Sanay ang mga tao ang paggising ng maaga. Nakakahiya rin minsan dahil sa sobra nilang pagkamaalalahanin sa pagtanggap ng bisita. Hindi sila kakain hangga’t ang lahat ng panauhin ay hindi pa gising at nakakakain ng almusal, kaya gabi-gabi’y pinaalalahanan ko ang aking grupo na wag kalimutang mag-alarm at gumising ng maaga.

Nagbabago ang panahon. Naaalala ko noong ako’y nasa elementarya’y nagbakasyon ako sa Ifugao ng mahigit sa dalawang buwan. Mas kaunti ang mga gusali sa paligid at makikita pa noon ang mga kalabaw gamit bilang paraan ng transportasyon. Ngunit naglaon ay kanila ring tinanggap ang pagdating ng makabagong panahon. Kanya-kanya nang scooter at sasakyan, at naging tulad narin ng Maynila ang lugar. Nagugulat nga akong makita na minsa’y nakakasagap ako ng Wi-fi kahit sa gilid ng bundok – saan naman kaya nanggaling yun?

May isang minanang ancestral house ang aking nanay na ginawa noong 1600’s. Halos limang henerasyon ang napagdaanan ng mumunting bahay na ito’y makikita pa rin ang matibay na pagkakagawa rito, kahit na ito’y pinagdikit-dikit lamang na kahoy at wala ni isang pako ang ginamit. Dito ipinanganak ang aking lola at ang aking nanay. Doon ko na lang nalaman na naroon sa bahay na ito nakalagay ang buto ng aking lola. Ito’y binuksan para sa amin ng aking tita at ipinaliwanag sa amin kung ano ang pamamaraan ng Ifugao sa paglibing sa mga patay. Dito ko naramdaman ang sobrang pagka-sentimental ng mga Ifugao sa kapag sila’y nawawalan ng mahal sa buhay.

Naka-apat akong Mini-DV tape para sa dokyumentaryong ito. Ngunit pagkatapos ng isang linggo’y muli akong bumalik ng Ifugao – hindi dahil na-miss ko ang lugar, kundi’y may nakaligtaan akong kapanayamin upang mas mabuo ko ang kwento para sa dokyumentaryo. Pagkatapos ng lahat ay nadagdagan ng dalawang tape ang aking dapat na i-edit.

Pagkatapos na masiguro ang lahat ng dapat na makuhang video ay agad na akong nagpaalam sa aking Lolo at Lola. Ito na marahil ang huli naming pagkikita at muling bibilang ng maraming taon upang ako’y makabalik muli ng Ifugao. Ngunit kanilang sinabi sa akin na kahit anong araw, anong taon, at anong oras ay bukas ang kanilang pintuan para sa akin.

Sumakay ako ng bus pabalik ng Manila habang pinapanood ang aking mga nakunang video sa Ifugao. Marahil ay muli akong babalik at gagawa ng pelikula rito.

(Here below is the trailer of Kwento ng Pinagmulan documentary.)

Align Center

5 comments:

  1. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  2. oooh. newbie. :) welcome to the blogging world. haha

    ReplyDelete
  3. hehe yeah, meron na akong blog noon na interactive flash, tinanggal ko na dahil sobra nang luma ;)

    ReplyDelete
  4. welcome to blogspot, sonny! hope you don't mind that I added you in my blogroll. :)

    - kat

    ReplyDelete