Muli na naman akong nakapanaginip ng isang pelikulang nagsisimula sa gitnang bahagi at hindi nagtatapos o nagbibigay kakalasan. Aking nadidinig sa kalagitnaan ng makukulay na imahe ang maingay na pag-andar ng makinang pampelikula, ngunit sa paggising ay halintulad lamang ito sa tunog ng bentilador sa aking tabi.
Bawat paggising ay aking naaalala kung paano ko tikman ang lasa ng ulan noong ako’y maliit pa lamang. Nakatingalang pikit-mata’t dinadama ang pagdampi ng bawat patak nito sa aking bibig.
Sa aking paglaki’y natutunan ko ang madaming paraan ng pagtakas sa riyalidad. Ang paglusong sa kalaliman ng isang panaginip, ang paglilirip ng labis, at ang matamis na pagtunghay sa isang pelikula.
Mula sa aking pag-unawa. Ginagamit ang kamera sa pagkuha ng riyalidad, sa paggawa ng ilusyon, at sa paghahanap sa madaming klase ng imaheng maaaring makapag-paalab o makapagpaningas ng damdamin. Ang pelikula bilang isang pagsamba sa pinaghalong dilim at liwanag. O marahil ay isang walang saysay na bagay?
Isa lang ang madalas na sinasabi ko sa aking sarili. “Gumising ka na’t may mas maningning na liwanag na nag-aabang sa’yo sa labas ng sarili mong mundo.”

No comments:
Post a Comment