Friday, April 2, 2010

Embalsamador (dugo kung dugo!)

“Sa tingin ko, isang ilusyon lang ang riyalidad.” Isa sa mga huling mensaheng binitiwan ni Guido sa maikling pelikulang Embalsamador.

Nakilala ko ang dalawang talent ng shortfilm na ito sa isang clan sa text. Interested silang umarte, basta’t lahat ng gastos ay sa aming production manggagaling. Nakipagkita kami kasama ng aking grupo sa Makati. Medyo nagkakahiyaan pa sa una dahil iyon ang unang pagkikita ng lahat.



Si Marc Dave Mc Entee ay Pinoy-Australian, pero lumaki sa Visayas kaya kung iyong iisipin ay Ustralyanong-Bisaya. Si Hardie Del Mundo, suma-sideline sa mga pelikula. Minsang napapasama sa mga shooting, at nagkaroon minsan ng maliit na role (barilan-scene) sa soap opera na Tayong Dalawa. Unang na-discover ko si Hardie sa kanyang mga pictures na, ehem, pabuka-buka na naka-underwear sa picture.



Mahilig magpatawa ang parehas naming talent kaya hindi nawawala ang madalas na hagikhikan. Minsan tino-tolerate ko na lang pag kailangan nang magseryoso sa shoot. Seryoso sa pag-arte si Hardie, at nakita ko ang kanyang potensiyal na baka isang araw ay palabas-labas na siya sa pelikula. Ito ang unang beses na mag-talent si Marc Dave, kaya’t minsan hirap pa akong ipaunawa ang magiging character, o ang pakiramdam na dapat niyang ipakita sa bawat kuha. Lalo na rin sa kanyang mga linya, yung ‘nabebesaya’ ba?


Halos wala kaming tulog sa pag-iisip at mga dapat na gawin kinabukasan, ngunit sa mga talents nami’y lagi dapat na pampered dahil sa kung pupuyatin namin sila’y baka kinabukasan ay nalalayo na sa script ang kanilang mga linya.



Umabot ng dalawang araw at dalawang gabi ang shoot. Naging malaking pagsubok sa aming grupo ang hiwa-hiwalay na lugar na dapat pagkunan ng video sa maliit lamang na oras, kalaban pa ang paparating na ulan dahil kasagsagan ng mga banta ng paparating na bagyo ang mga araw na iyon.

Sa lahat ng mga madugong paghihirap, ay napasama bilang finalist ang pelikulang Embalsamador sa ika-anim na PWU-Independent Film Group Art Film Festival nito lamang nakaraang taon.


(here below is the trailer of Embalsamador shortfilm)



Kwento sa likod ng Dokyumentaryong Kwento ng Pinagmulan


Naging isang makabuluhang proyekto para sa akin ang dokyumentaryong Kwento ng Pinagmulan. Dito ko mas naunawaan ang mga bagay tungkol sa aking mga ninuno. Dati na akong nakapunta sa Ifugao, ngunit ito ang mga panahon na kung saa’y hindi pa buo ang aking isipan sa aking kabataan.

Bago pa man kami umalis ay maiigi naming pinlano ang mga bagay. Kami’y nangalap ng madaming impormasyon tungkol sa Ifugao at totoo ang aking napag-obserbahang ang mga tao rito’y sobrang mahiyain at sensitibo kung minsan. Ngunit hindi nalalayo sa kanila ang imahe ng pagkamasayahin at napakalaking importansiya sa kanila ang pamilya pati na rin ang pagkakakilanlan ng bawat isa sa baryo. Hindi pupwedeng ang isa sa kanila’y hindi nakakakilala sa bawa’t taong nakatira sa karatig na bayan.

Naging parte na rin ng kulturang Ifugao na ang bawat taong madadaanan ay parehas na dapat bumati sa bawat isa, kahit sa pag-ngiti man lamang. Kung hindi man, ay iisipin nilang dayo mula sa malayong lugar ang kanilang nakita. Nakakapagtaka na minsang ako’y lumabas ng bahay ng aking Lola ay sarado na ang lahat ng tindahan kahit wala pang alas-siyete ng gabi!

Sanay ang mga tao ang paggising ng maaga. Nakakahiya rin minsan dahil sa sobra nilang pagkamaalalahanin sa pagtanggap ng bisita. Hindi sila kakain hangga’t ang lahat ng panauhin ay hindi pa gising at nakakakain ng almusal, kaya gabi-gabi’y pinaalalahanan ko ang aking grupo na wag kalimutang mag-alarm at gumising ng maaga.

Nagbabago ang panahon. Naaalala ko noong ako’y nasa elementarya’y nagbakasyon ako sa Ifugao ng mahigit sa dalawang buwan. Mas kaunti ang mga gusali sa paligid at makikita pa noon ang mga kalabaw gamit bilang paraan ng transportasyon. Ngunit naglaon ay kanila ring tinanggap ang pagdating ng makabagong panahon. Kanya-kanya nang scooter at sasakyan, at naging tulad narin ng Maynila ang lugar. Nagugulat nga akong makita na minsa’y nakakasagap ako ng Wi-fi kahit sa gilid ng bundok – saan naman kaya nanggaling yun?

May isang minanang ancestral house ang aking nanay na ginawa noong 1600’s. Halos limang henerasyon ang napagdaanan ng mumunting bahay na ito’y makikita pa rin ang matibay na pagkakagawa rito, kahit na ito’y pinagdikit-dikit lamang na kahoy at wala ni isang pako ang ginamit. Dito ipinanganak ang aking lola at ang aking nanay. Doon ko na lang nalaman na naroon sa bahay na ito nakalagay ang buto ng aking lola. Ito’y binuksan para sa amin ng aking tita at ipinaliwanag sa amin kung ano ang pamamaraan ng Ifugao sa paglibing sa mga patay. Dito ko naramdaman ang sobrang pagka-sentimental ng mga Ifugao sa kapag sila’y nawawalan ng mahal sa buhay.

Naka-apat akong Mini-DV tape para sa dokyumentaryong ito. Ngunit pagkatapos ng isang linggo’y muli akong bumalik ng Ifugao – hindi dahil na-miss ko ang lugar, kundi’y may nakaligtaan akong kapanayamin upang mas mabuo ko ang kwento para sa dokyumentaryo. Pagkatapos ng lahat ay nadagdagan ng dalawang tape ang aking dapat na i-edit.

Pagkatapos na masiguro ang lahat ng dapat na makuhang video ay agad na akong nagpaalam sa aking Lolo at Lola. Ito na marahil ang huli naming pagkikita at muling bibilang ng maraming taon upang ako’y makabalik muli ng Ifugao. Ngunit kanilang sinabi sa akin na kahit anong araw, anong taon, at anong oras ay bukas ang kanilang pintuan para sa akin.

Sumakay ako ng bus pabalik ng Manila habang pinapanood ang aking mga nakunang video sa Ifugao. Marahil ay muli akong babalik at gagawa ng pelikula rito.

(Here below is the trailer of Kwento ng Pinagmulan documentary.)

Align Center

Pagsamba sa Dilim at Liwanag


Muli na naman akong nakapanaginip ng isang pelikulang nagsisimula sa gitnang bahagi at hindi nagtatapos o nagbibigay kakalasan. Aking nadidinig sa kalagitnaan ng makukulay na imahe ang maingay na pag-andar ng makinang pampelikula, ngunit sa paggising ay halintulad lamang ito sa tunog ng bentilador sa aking tabi.

Bawat paggising ay aking naaalala kung paano ko tikman ang lasa ng ulan noong ako’y maliit pa lamang. Nakatingalang pikit-mata’t dinadama ang pagdampi ng bawat patak nito sa aking bibig.

Sa aking paglaki’y natutunan ko ang madaming paraan ng pagtakas sa riyalidad. Ang paglusong sa kalaliman ng isang panaginip, ang paglilirip ng labis, at ang matamis na pagtunghay sa isang pelikula.

Mula sa aking pag-unawa. Ginagamit ang kamera sa pagkuha ng riyalidad, sa paggawa ng ilusyon, at sa paghahanap sa madaming klase ng imaheng maaaring makapag-paalab o makapagpaningas ng damdamin. Ang pelikula bilang isang pagsamba sa pinaghalong dilim at liwanag. O marahil ay isang walang saysay na bagay?

Isa lang ang madalas na sinasabi ko sa aking sarili. “Gumising ka na’t may mas maningning na liwanag na nag-aabang sa’yo sa labas ng sarili mong mundo.”